Linggo, Agosto 21, 2011

SCRIPTED


Kung ang pluma ng aking panulat ay makapagdidikta ng mangyayari sa hinaharap, bakit ko pa pahihirapan ang sarili ko. Ang magiging problema ko na lang, ay ang pagsulat, hindi naman ako pinagpala ng talento para dito. Pero sa kabilang banda, mabuti na rin pala na walang mahikang dala ang panulat, at sana hindi na rin ito maibento. Dahil kung lahat magkakaroon ng panulat na iyon, hinala ko, lahat ng tao sa mundo ay may propesyon na ; lahat sila ay manunulat na. Masaya naman ang buhay, kahit pa nga hindi lahat ng nangyayari ay gusto mo, walang “script”ang buhay, sabi nga ng isa kong kaibigan,na naging dahilan kaya malayang nagaganap ang lahat. At iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit espesyal ang bawat buhay, dahil walang nakakaalam ng “ending” sa pelikula ng bawat isa.
Pluma lang ang tema, hanggang sa pinaanod ko ang salitang pelikula. Hindi ko naman gustong buksan ang pinto patungo sa kursong kinukuha ko, pero yun talaga ang pakay ko. ‘’Mass Communication” ang pinili kong kurso matapos ang apat na taon ng paggawa ng kalokohan sa sekondarya at anim na taon ng pagtitiis sa sermon ng aking ina sa elementarya. Mabanggit ko lamang ang aking ina na walang patid sa kanyang pagmimisa tuwing araw ng pagsususlit. Tanda ko pa noon na “torture” ang pagpasok ko sa eskwela. Kaya naman mas masaya ang buhay ko noong hayskul. Ngunit nagpapasalamat naman ako  dahil sa kasesermon ng aking ina, marami akong natutunan at napatunayan kong tama sya.
Sa libo-libong kurso bakit nga ba ito pa ang kinuha ko?
Sa panahon na nagtapos ako ng hayskul, sumiklab noon ang kursong “nursing” kung tawagin. Sa propesyong ito sa linya ng medisina, madali daw ang pangingibang bansa. Mabuti na lang wala sa plano ko ang magsilbi sa bansa ng iba. At isa pa sabi nila ay maganda daw ang may “Dr.” sa unahan ng pangalan, sabi ko naman, “Aanhin ko ang mahabang pangalan, kung ang layunin ko ay mag-ibang bansa? Mabuti pang nagtungo ako sa Recto at nagpagawa ng bagong kasulatan ng kapanganakan, palalagyan ko ng “Dr.” sa unahan, ganun din yun kung ang pakay ko ay mapadpad lamang sa lupain ng mga banyaga. Pinangarap kong maging guro, pero nasa isip ko ang responsibilidad sa pamilya. Kailangan ko ng propesyon na makatutustos sa kinabukasan ng iba ko pang kapatid at hindi yun kakayanin ng pagtuturo. Naging makasarili siguro ako sa desisyong iyon, pero may dahilan ang lahat.
Bakit Mass Comm pa? Ano bang meron ang kursong ito?
Sa totoo lang, hindi ko din alam kung ano talaga ang kursong ito bago ko kinuha. Hindi sapat ang nalalaman ko, ang alam ko lang ay maraming mapupuntahang lugar sa propesyong ito, ang akala ko mamasyal lang at magsasaya. Makakakilala pa ng maraming tao, tulad ng mga nagbabalita sa telebisyon na kung saan-saan nakakarating. At natutuwa ako sa mga nagsasalita sa radyo na kung tawagin ay “Disc Jokeys”. Lingid sa aking kaalaman, malaking produksyon pala ang nasa likod ng bawat matagumpay na palabas na napapanood ko at sa mga bagay na naririnig ko.
Maraming tao na minamaliit lang ang kursong ito.  Parang ako lang dati. Hindi yung kurso, pero yung propesyon mismo. Mahilig akong magbigay ng negatibong bagay tungkol sa mga pelikulang kulang sa mga “effects” di tulad sa ibang bansa. Mahilig ako magkumpara sa napakaraming bagay, na hindi man lang iniisip kung paano iyon nabuo at pinaghirapan. Palibhasa, panunuod lang ang ginagawa ko.
Ngunit sa tatlong taon na pananatili ko sa kursong ito, lalo ko itong minamahal, at walang maaaring magsabi na madali lang ang propesyon na ito. Para sa nakararami, kapag ang kurso mo ay kinakailanagan ng “Board Exam” o kahit anong “Licensure Exam”, maganda ang kursong iyon at sabi nga nila ay may laban. Di tulad ng mga “b-Degree”, hindi kagalingan. Sana naisip nila na hindi lahat ng galing sa papel makikita. May mga talino, kakayahan at katangian na sa aktwal na paggawa matatagpuan. Sa katunayan, mas mahirap pa, dahil siguradong hindi ka maaring tumulad sa iba.
Mahirap ang propesyong ito kapag hindi mo sineryoso. Pagmamahal sa ginagawa at determinasyon, yun lang ang rekado para mahuli ang tamang timpla.
Maraming gawain, walang panahon para gumawa ng kalokohan. Paggawa ng mga “short films”, magtayo ng sariling “photo exhibit”, sumulat ng mga balita, makipag-usap sa mga di kakilala, magbigay ng tulong sa mga produksyon at napakarami pang iba. At hindi lahat ng ginagawa sa kursong ito ay gusto ko, minsan kailangan. Pero lahat ng bagay natututunan. Tulad na lang ng pagsulat. Hindi ko naman talaga kinaiinisan ang pagsususlat, ang hindi ko gusto ay ang pagharap sa “Deadliest Deadline”. Pero kasama talaga sa buhay-estudyante ang mga ganitong bagay.
Lingid sa aming kamalayan, unti-unting nahuhubog ang tunay naming mga kakayahan. Unti-unti ay natutunan namin ang tunay na kahalagahan ng aming kurso, na kung iisipin ng mabuti ay kalahok pala sa araw-araw na gawain
Ngayon na alam kong hindi pala ito madali, hindi ko rin masasabi ang buhay sa kurso ng iba, hanggat hindi ko pa ito nararanasan. At masasabi kong, walang madaling kurso sa kolehiyo, pero walang mahirap sa pag-aaral para sa taong masipag.
Kung makapagbigay ako ng mga kataga, animoy nakatapos na ako ng pag-aaral. May pinagkukunan lamang ako lalo pa at nasa ikatlong taon na ako. Masyado ng matagal sa kursong ito para hindi pa malaman ang mga bagay-bagay na mahirap at madali.
At sa pagdaan ng mga araw, lumalalim din ang nais kong gawin, ang nais kong marating. Alam kong tama ang kinuha kong kurso.
Kung noon gusto ko lang na basta makarating sa kung saan-saan, at makita nag sarili ko sa telebisyon. Ngayon, gusto kong maging tao sa likod ng mga produksyon. Maging isa sa mga taong ipinagmamalaki ang kanilang propesyon at hindi naghahangad na basta lamang magpahayag ng balita sa telebisyon o marinig ang kanilang tinig sa radyo, kundi mga taong kapag nawala, ay mawawalan na rin ng magandang produksyon.
Noon, isa sa mga dahilan ko ang pagkita, pero ngayon, higit na matimbang ang serbisyo. Tulad din ng isang buong maghapon. Maaaring kumita ka ng halaga na kailangan mo, na magagamit mo sa maghapon at tutugon sa iyong pangangailangan, pero ang serbisyong itinulong mo, higit pa sa buong maghapon ang magagawa, maaari itong maging sanhi ng magandang kinabukasan hindi lang para sayo kundi para sa nakararami.
Nabanggit ko ang “deadline”. Sa katunayan, ang “deadline”, hindi naman nauubos at natatapos. Lahat ay mayroon. Kahit nga ang sarili nating mga buhay at kwento. Ngunit para maging makasaysayan ang ating mga kwento, kailangan natin itong paghirapan, di man alinsunod sa script na nasa imahinasyon mo, basta’t kaloob ito ng langit, asahan mong maihahayag ito sa paraang di mo inaasahan pero magugustuhan mo at makakabuti hindi lamang sayo.At sa pagakakataong ito, ay tinatapos ko ang yugto para sa artikulong ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento